Pinaburan ni dating SC Associate Justice Antonio Carpio ang panukala ni Senate President Juan Miguel Zubiri na amyendahan ang economic provisions ng 1987 constitution .
Kung maaalala, sinabi ni Sen. Zubiri kahapon na sa sandaling malagdaan ang committee report sa Resolution of Both Houses No. 6, na naglalayong amyendahan ang economic provision ng 1987 constitution , ang Chamber naman ay uupo bilang isang “Senate Assembly” upang talakayin at aprubahan ang panukala.
Paliwanag ni Carpio na ito ay maituturing na eksaktong “formula” ng yumaong si Fr. Joaquin Bernas na kabilang sa mga bumuo ng 1987 Constitution.
Sinabi pa ng dating magistrado na ang proposal ni Zubiri ay inaasahang mareresolba sa deadlock sa pagitan ng mga mambabatas.
Kung tatanggi naman aniya ang Kamara at igiit ang voting jointly sa sa pag-amyenda sa konstitusyon , kahit sinong miyembro ng Kongreso o sinumang tax payers ang maaring dumulog sa SC upang kwestyunin ito. Aniya , ang SC dapat ang magsisilbing arbiter dito.
Sa kasalukuyan, pinag-uusapan pa ng Senado ang Resolution of Both Houses No. 6 ni Zubiri, na naglalayong amyendahan ang economic provision ng 1987 constitution.