-- Advertisements --

CEBU CITY – Inaalam pa ng PNP ang iba pang mga motibo sa pagpatay ng isang dating seaman sa Brgy. Pajo, lungsod ng Lapu-Lapu, Cebu.

Una rito, patay sa pamamaril ang biktimang si Irving Querubin, 49, habang sugatan naman ang kasama nitong si Niel Costabella, 45.

Ayon kay Master Sergeant Rody Jaganap, imbestigador ng Lapu-Lapu City Police Station 3, kakagaling lang umano sa isang court hearing si Querubin upang harapin ang kasong illegal drug possession.

Hanggang paulanan ng bala ng hindi nakilalang riding in tandem suspects ang sasakyang minamaneho ni Costabella kung saan nasa loob nito ang dating seaman na si Querubin kasama ang dalawa pa nitong mga kapatid.

Nagtamo umano ng tama ng bala si Querubin sa kanyang ulo habang tinamaan din ng bala ang binti ng driver na si Costabella.

Dinala kaagad sa pagamutan ang dalawa ngunit binawian din ng buhay ang dating seaman at dineklarang dead on arrival.

Dagdag pa ni Jaganap, may kinalaman umano sa illegal drugs ang primary angle ng naturang krimen ngunit bukas sila sa iba pang mga anggulo habang patuloy pa nilang kinikilala ang responsable sa pamamaril.