Pinag-aaralan na ng kampo ni dating Senator Antonio Trillanes IV ang posibleng ihain na counter-charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos na ideklara ng Supreme Court en banc nitong Abril 3 na unconstitutional ang pagbasura ng Duterte administration sa iginawad na amnestiya ni dating Pangulong Benigno Aquino III kay Trillanes noong 2010 sa kaso nitong rebelyon at kudeta laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Kaugnay nito, sinabi din ni Trillanes na sa tamang panahon ay gagawa ito ng mga hakbang para maitama ang mga pagkakamali at masiguradong hindi na mangyayari ulit.
Sa ngayon, inaantay pa aniya nila ang buong kopiya ng desisyon ng SC en banc upang malaman ang kanilang isasampang kaukulang kaso.
Una na ngang pinasalamatan ni Trillanes ang Korte Suprema sa pagtaguyod ng kung ano ang tama at sa ilalim aniya ng Marcos administration ay nagkaroon ng demokratikong espasyo at naging independent muli ang hudikatura.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na official statement ang panig ng Duterte adminsitration kaugnay sa naturang usapin. (With reports from Bombo Everly Rico)