-- Advertisements --

Sumakabilang buhay na si dating Sen. John Henry “Sonny” Osmeña nitong Martes ng hapon sa kanyang condominium unit sa lungsod ng Cebu sa edad na 86.

Ito ay batay sa kumpirmasyon ng kanyang kapatid na si Annie Osmena-Aboitiz.

Sa ngayon, wala pang pahayag ang pamilya Osmeña kung ano ang ikinamatay ng dating senador.

Agad namang isinailalim sa cremation ang labi ni Osmeña.

Kung maaalala, nagpositibo si Osmeña sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) noong Hulyo, ngunit nakarekober naman ito agad.

Bilang miyembro ng ikatlong henerasyon ng kilalang angkan ng mga Osmeña sa Cebu, unang nagsilbi bilang konsehal ng Cebu City at vice mayor noong dekada 60 at kalaunan ay nahalal sa Kamara de Representantes.

Si Osmeña ay kinilala rin bilang Ten Outstanding Young Men noong 1970 at isa rin sa mga malubhang nasugatan noong bombahin ang Plaza Miranda noong 1971.

Nanalo rin ito bilang senador sa nasabi ring taon.

Makaraang mag-exile sa Estados Unidos at lumaban sa rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, muling nahalal si Osmeña bilang senador noong 1987 at 1992.

Bumalik ito sa Cebu bilang kinatawan ng ikatlong distrito noong 1995 at nanalo ulit bilang senador noong 1998.

Isa sa mga batas na isinulat ni Osmeña ang Republic Act 7638, na siyang nagtatag sa Department of Energy.

Nagsilbi rin itong alkalde ng lungsod ng Toledo mula 2013 hanggang 2019.