Hinimok ni dating Philippine National Police Chief at Senator Panfilo Lacson ang mga otoridad na laliman pa ang imbetigasyon kay Alice Guo, ang tinanggal na alkalde ng Bamban, Tarlac.
Sa isang pahayag, sinabi ng dating Senador na hindi lamang dapat magpokus ang intelligence community sa background o tunay na pagkatao ni Guo kung maging sa kanyang mga posibleng koneksiyon.
Ayon kay Lacson, malaki ang potensyal ni Alice Guo bilang banta sa national security kayat dapat na matunton ang kaniyang mga connection.
Ayon pa sa dating PNP Chief, dapat nang isama ng intelligence community sa kanilang essential elements of information (EEI) ang dating alkalde at magsagawa ng malalimang record check.
Nakikita umano ng dating heneral ang mga katangian ng isang espiya sa dating alkalde ng Bamban.
Dagdag pa ni Lacson, kung hindi sana nailabas ng Senado at Presidential Anti-Organized Crime Commission ang umano’y mga iligal na aktibidad ni Guo, posibleng tumakbo rin siya sa kongreso at maaaring nagkaroon ng access sa mga sensitibong impormasyon.