-- Advertisements --
de lima1

Inihayag ni House Deputy Minority Leader Mujiv Hataman na sa mata ng karamihan partikular na sa mga sumubaybay sa kaso ni dating Senator Leila de Lima ay biktima ito ng political persecution.

Ayon sa mambabatas na kaalyado din ni De Lima sa ilalim ng Liberal party o Partido Pederal, ngayong pansamantalang nakalaya na ang dating Senadora, umaasa ito na maliwanagan ang katotohanan sa likod ng nangyari sa kaniya upang hindi na mangyari ulit ito sa iba.

Bagamat huli aniya ang pagdating ng hustisya para kay De Lima matapos ang mahabang panahong pagkakakulong, nais nitong magpasalamat sa pansamantalang kalayaan ng dating mambabatas.

Ang nakalipas aniya na halos 7 taon na pananatili sa kulungan ni De Lima ay patunay ng kaniyang katatagan at hindi natitinag na commitment para sa katotohanan at kanyang pagiging inosente.

Inihayag din ni Hataman na ang desisyon ng korte sa Muntinlupa na pinayagang makapagpiyansa si De Lima ay hindi lamang tungkol sa kanyang kalayaan subalit para na rin maitama ang hindi patas na pagtrato sa mata ng batas at isang paalala na sa huli, ang katotohanan at kabutihan pa rin ang mananaig.

Una rito, noong Lunes nang pinayagan ng korte si De Lima na makapagpiyansa para sa huling kaso nito sa iligal na droga.

Sa paglilitis ng kasong kriminal laban sa dating Senadora, nanindigan itong gawa-gawa lamang ang mga kaso laban sa kaniya at pawang ganti lamang sa kaniyang hayagang pagbatikos laban sa madugong war on drugs ng Duterte administration.