-- Advertisements --

Ibinunyag ni dating Senator Leila de Lima na nasa protective custody na ngayon ng International Criminal Court (ICC) si self-confessed Davao Death Squad (DDS) hitman Edgar Matobato.

Ayon sa dating Senadora, umalis ng Pilipinas si Matobato noong ikalawang kwarter ng 2024 dahil sinusubukan ng ICC prosecutor na ma-access siya para sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang mga pagpatay umano ng kontrobersiyal na DDS.

Noong una aniya hindi plano ng ICC na i-access si Matobato subalit kalaunan ay ginawa ito ng international court dahilan kaya kinailangan umano ni Matobato na umalis ng bansa para mas maging madali para sa ICC na ma-access siya.

Kayat tulad aniya ng self-confessed member at hitman ng DDS na si Arturo Lascañas, nasa protective custody na rin ng international court si Matobato sa isang hindi pinangalanan/isiniwalat na lugar.

Subalit hindi naman batid ni De Lima kung nabigyan si Matobato ng limitadong immunity mula sa ICC prosecution tulad ni Lascañas.

Inihayag din ni De Lima na natanggap na umano ng ICC ang mga testimoniya nina Matobato at Lascañas.

Kung matatandaan, si De Lima na dating nanungkulan bilang justice secretary at chair ng Commission on Human Rights, ang unang nagpresenta kay Matobato bilang testigo laban kay dating Pangulong Duterte sa imbestigasyon ng Senado noong September 2016.

Kung saan isiniwalat ni Matobato ang umano’y mga aktibidad ng DDS sa Davao region at ang pagkakatulad nito sa mga pagpatay sa ilalim ng Duterte drug war.

Habang si Lascañas naman, bagamat inisyal nitong itinanggi ang mga alegasyon ni Matobato, ay nag-recant din ito kalaunan at kinumpirma ang mga ibinunyag ni Matobato sa imbestigasyon ng Senado.

Nauna naman ng pinabulaanan ng Duterte administration ang naturang mga alegasyon at tinukoy ang mga butas sa testimoniya nina Matobato at Lascañas.

Samantala, sa palace briefing kahapon, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na walang alam ang Malacañang sa napaulat na nakaalis na ng Pilipinas si Matobato gamit ang pekeng identity at travel documents. Saad pa ng opisyal na anuman ang layunin ni Matobato sa paglabas niya sa bansa, hindi na nila ito kontrolado at kung nais aniya ni Matobato na tumestigo sa ibang forum, lagpas na aniya ito sa kanilang kontrol.