(4th Update) Nabuhayan ng loob ang pamilya ni dating Sen. Ramon Revilla Sr., bagama’t ito ay naka-confine pa rin sa ospital sa Taguig.
Ayon kay Cavite Vice Gov. Jolo Revilla, nasa stable condition na ang kanyang 93-anyos na lolo at hangad na tuloy-tuloy na ang paggaling nito.
“Sen. Ramon Revilla Sr. Daddy is now in stable condition and we are hoping for his speedy recovery,” saad ni Jolo sa kanyang Facebook post.
Bago ito ay labis ang pangamba ni Sen. “Bong” Revilla Jr., dahil nasa kritikal na kalagayan daw ang ama at kailangan ang “strict observation” sa loob ng dalawang araw.
Wala pa rin naman malinaw na nabanggit kung bakit naospital ang nakatatandang Revilla maliban sa nahirapan ito sa paghinga kagabi, pero may mga impormasyon na sa unang pagsusuri ay negatibo naman umano ito sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) rapid test.
“Let’s continue praying for one another, for our families and loved ones, as we go through this pandemic,” dagdag pa ng Cavite vice governor.
Unang dinala sa isang ospital sa Bacoor si Revilla Sr., kung saan binigyan ng First Aid dahil sa hirap sa paghinga bago inilipat sa St. Luke’s Medical Center – Global City at dito na patuloy na magpapagaling.
Taong 2015 nang unang maospital si Revilla Sr., at kinailangang sa intensive care unit dahil sa aspiration pneumonia.
Ibabahagi rin naman sa publiko ang medical bulletin sakaling ilabas na ng mga doktor.
Si Revilla Sr., ay naging senador mula 1992 hanggang 2004 at minsan ding naging award winning actor para sa mga hit movies na “Nardong Putik,” “Pepeng Agimat,” at iba pa.