Naghain ng kasong libel at cyber libel si dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV sa Quezon City Prosecutor’s Office laban kay dating presidential spokesperson Harry Roque, sa vlogger na si Byron Cristobal o Banat By, at sa SMNI dahil umano sa patuloy na pagpapakalat ng fake news laban sa kaniya.
Ayon kay Trillanes, makailang ulit ng sinasabi nina Roque at Cristobal na ipinamigay niya ang Scarborough Shoal sa China noong nagkaroon siya ng backchannel talks sa naturang bansa noong 2012.
Binigyang-diin ni Trillanes na hindi niya ibinigay ang Scarborough Shoal sa China. Patunay umano rito ang mga pahayag ng mga kasalukuyang opisyal ng gobyerno sa mga Senate hearing.
Gayunpaman, patuloy umano itong pinagdidiinan nila Roque upang ilihis ang sisi mula sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod pa rito, naghain din si Trillanes ng kaso laban sa isang Davao businessman na sinabi sa isang interview na babayaran daw siya ni Trillanes kapalit ng pagiging fake witness laban kay dating pangulong Duterte.
Isinama niya rin ang ilang hosts at executives ng media network na SMNI dahil sa pag-ere umano ng naturang interview.
Bukod dito ay naghain din ng reklamo ang dating Senador sa National Bureau of Investigation laban sa mga tinatawag niyang “troll accounts” dahil sa pagpapakalat umano ng maling impormasyon tungkol sa kaniya.
Ang kasong inihain ni Trillanes ay may kaugnayan umano sa paglabag ng mga naturang personalidad sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Revised Penal Code.
Sa isang panayam, sinabi ni Trillanes na ito raw ang kaniyang pushback sa pagpapakalat ng mga ito ng fake news at naniniwala rin siya na mas malaki ang tiyansang magkakaroon ito ng hustisya kumpara noong si Duterte ang pangulo ng bansa.