Sumakabilang buhay na sa edad na 85-anyos si dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr.
Ayon sa kanyang anak na si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, binawian ng buhay ang kanyang ama dakong alas-5:00 ng umaga ngayong araw.
“Our beloved Tatay Nene has joined his Creator at 5 am today Oct 20, 2019. We thank all those who have been a part of his life. We ask for prayers for the repose of Tatay Nene’s soul. Thank you to all,” saad sa pahayag ng nakababatang Pimentel.
Noong Oktubre 14 nang isugod sa intensive care unit ng St. Luke’s Medical Center sa Taguig City dahil sa pneumonia.
Bumuti naman umano ang kalagayan ng dating senador kalaunan.
Kilala ang 85-anyos na si Pimentel bilang Ama ng Local Government Code dahil siya ang pangunahing may-akda ng Republic Act 7160, o ang Local Government Code of 1991.
Itinatag niya ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) noong Pebrero 1982 upang tapatan ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Isa si Pimentel sa mga matitinding mga kritiko ni Marcos noong panahon ng Martial Law, at naging abugado pa sa mga biktima ng batas militar.
Nagsilbi namang senador si Pimentel mula 1987 hanggang 1992, at muling nahalal mula 1998 hanggang 2010.
Umupo rin ito bilang Senate President mula 2000 hanggang 2001.
Bago maging senador, naging tanyag si Pimentel dahil sa nahalal ito bilang delegado ng Constitutional Convention noong 1971, bilang kinatawan ng Misamis Oriental.
Naluklok din si Pimentel bilang alkalde ng lungsod ng Cagayan de Oro mula 1980 hanggang 1984, at assemblyman sa Batasang Pambansa noong 1984 hanggang 1986.
Pinakahuling papel na ginampanan ni Pimentel sa gobyerno ay ang pagiging isa sa mga miyembro ng Consultative Committee (ConCom) na inatasan ng Pangulong Rodrigo Duterte na repasuhin ang 1987 Constitution at gumawa ng panibago na magbibigay daan para sa isang pederal na sistema ng pamahalaan.