Pinayuhan ni dating Senate President Juan Ponce Enrile ang mga mambabatas na aralin ang mga impeachment trial na nauna nang isinagawa sa mga nakalipas na taon.
Ayon kay Enrile, ang mga ito ay maaaring magsilbing ‘guiding materials’ para sa dalawang kapulungan ng Kongreso para lalo pang mapagtibay ang kani-kanilang posisyon sa paglilitis kay VP Sara Duterte.
Kabilang dito ang impeachment trial para kay dating Pangulong Joseph Estrada, trial kay dating Ombudsman Merceditas Gutierrez, at ang naging impeachment trial laban kay dating Chief Justice Renato Corona.
Iginiit ng dating Senate President na ang mga ito ay magsisilbing precedent kaya’t mabuting mapag-aralan upang magsilbing gabay sa magiging trial laban kay VP Sara.
Samantala, naniniwala rin si Enrile na bagamat hindi maaaring pag-usapan sa publiko ang merito ng mga petisyong kumukuwestiyon sa impeachment complaint laban kay VP Sara na inihain sa Korte Suprema, mas makabubuti aniya para sa Senado kung pag-aralan din ang mga nakalipas na impeachment trial.
Si Enrile ang kasalukuyang Senate president noong umusad ang impeachment complaint laban kay dating CJ Corona. Dahil dito, siya ang nagsilbing presiding judge.