Nananatili ngayon sa intensive care unit ng isang hindi pa pinapangalanang ospital si dating Senate president Aquilino “Nene” Pimentel Jr.
Dahil dito, nanawagan si Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) spokesperson Ron Munsayac ng dasal para sa dating senador.
“We are humbly asking our friends and partymates in the @PDPLABAN to pray for the full & speedy recovery of our founder and Chairman Emeritus Tatay Aquilino “Nene” Pimentel, Jr. who is currently in the ICU,” saad sa tweet ni Munsayac.
Ayon naman sa kanyang anak na si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, binabantayan na raw ng mga doktor ang kanyang ama, ngunit hindi na nagbigay ng karagdagan pang mga detalye.
Kilala ang 85-anyos na si Pimentel bilang Ama ng Local Government Code dahil siya ang pangunahing may-akda ng Republic Act 7160, o ang Local Government Code of 1991.
Itinatag niya ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) noong Pebrero 1982 upang tapatan ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Nagsilbi namang senador si pimentel mula 1987 hanggang 1992, at muling nahalal mula 1998 hanggang 2010.
Umupo rin ito bilang Senate President mula 2000 hanggang 2001.