Binawian na ng buhay ang dating senador at dating mayor ng lungsod ng Maynila na si Alfredo Lim.
Ito ay ayon sa kanyang chief of staff na si Ric de Guzman.
Sa ngayon ay hindi pa naglalahad ng karagdagang mga detalye ang pamilya tungkol sa paksa.
Nitong Biyernes nang mapaulat na naospital umano ang dating mayor dahil sa COVID-19 ngunit mariin itong itinanggi ng pamilya.
Kung maaalala, si Lim, nakilala bilang “Dirty Harry” dahil sa kanyang paglaban sa droga at krimen, ay nanilbihang alkalde ng Maynila mula 1992 hanggang 1998, at 2007 hanggang 2013.
Umupo rin bilang senador si Lim mula 2004 hanggang 2007.
Maliban dito, itinalaga rin ni dating Pangulong Corazon Aquino si Lim bilang director ng National Bureau of Investigation noong 1989 hanggang 1992.
Naging kalihim din ito ng Department of the Interior and Local Government mula 2000 hanggang 2002, makaraang i-appoint ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Bago naman ang kanyang karera sa pulitika, nagsilbi ring pulis si Lim sa loob ng tatlong dekada.
Si Lim ay naging superintendent ng Philippine National Police Academy at direktor ng Western Police District at nagretiro bilang Major General.