Pinawi ngayon ng pamilya ni dating senador at PBA legend Robert “Bobby” Jaworski ang pangamba ng mga fans sa pagsasabing patuloy itong gumagaling sa karamdaman.
Sa unang pagkakataon nagsalita na rin ang pamilya sa dinaramdam ni Jawo sa pamamagitan nang paglabas ng official statement sa social media.
Inamin sa statement na gumagana ang pagpapagaling ng dating basketball superstar mula nang dumanas ito ng pneumonia noong nakaraang taon.
Nagkaroon pa raw ito ng komplikasyon dahil sa tinatawag na blood abnormality. Pero ito naman daw ay “non-life threatening.”
Agad namang nilinaw ng pamilya Jaworski na negatibo sa COVID-19 ang dating mambabatas.
Sa katunayan bumabalik na raw ang dati nitong kalusugan at timbang.
Una nang nadiskubre ng mga doktor ang sakit nito sa dugo noong taong 2016.
Noong nakaraang taon ay matagal ding naospital ang tinaguriang Philippine sports Hall of Famer kaya naman noon pa man ay umugong na ang mga tanong dahil sa pagkawala nito sa mata ng publiko.
“Last year, he was hospitalized due to a bout with pneumonia. He, however, tested negative for Covid-19. Due to non-life threatening blood abnormality that was discovered by his doctors in 2016,” bahagi pa ng statement. “He is making good progress and si slowly moving forward.”
Kasabay nito, tiniyak ng pamilya sa mga fans na ang dating PBA MVP ay inaasahang patungo na sa kanyang full recovery.
Gayunman, humihingi pa rin daw sila ng tulong na isama sa dasal ang lubusang paggaling ng basketball legend.
Nagpapasalamat din daw sila sa paggalang sa privacy sa dinaranas ngayon ng dating playing coach ng Ginebra.
Nito lamang nakalipas na Marso 8 ay ipinagdiwang ni Jaworski ang kanyang ika-75 na kaarawan.
Samantala, matapos inilabas ang statement ng pamilya bumuhos naman ang pagpapaabot nang pagdarasal at well wishers mula sa mundo ng sports at sa mga fans nang binansagang “Big J” ng Philippine basketball.