Hinamon ng Philippine National Police si dating Senator Antonio Trillanes IV na maglabas ng mga ebidensya kaugnay sa pinapalutang nito na may binubuo umanong destabilisasyon laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kasunod ito ng mga binitawan pahayag ni Trillanes na mayroon umanong senior officials ng PNP ang kabilang sa mga nilulutong plano para sa pagpapabagsak sa gobyerno.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, mas mabuting maglabas ng sapat na ebidensya ang dating Senado na magbibigay-diin sa mga pahayag nito na mayroon umanong mga aktibong pulis ang kabilang sa sinasabi nitong destabilization plot laban sa panahalaan.
Matatandaan din kasi na una nang sinabi ni Trillanes na mayroon siya mga mapagkakatiwalaang Source na nasa loob ng mga organisasyon ng PNP at AFP kung saan aniya nanggagaling ang kaniyang mga impormasyon.
Kung kaya’t suhestiyon ni Fajardo na maglabas ito ng sapat na ebidensya na kaniyang pinanghahawakan at ipaabot ito sa pamunuan ng PNP upang alamin at matunton ang mga sinasabi nitong pulis na sangkot sa naturang pag-aalsa laban kay Pangulong Marcos Jr.
Samantala, sa ngayon ay muling binigyang-diin ng naturang opisyal na wala pa ring natatanggap na anumang uri ng impormasyon ang PNP hinggil sa posibleng pagkakasangkot ng ilan sa mga aktibidong tauhan nito na sa umano’y destabilisasyon laban sa Marcos Jr. administration.