-- Advertisements --

Bagama’t nagluluksa, nagpapasalamat pa rin ang dating sexy star na si Annabel Ramos na minsan sa kanyang buhay ay nagkrus ang landas nila ni dating Pangulong “Noynoy” Aquino.

Barbara on ex PNoy

Mas nakilala sa stage name bilang Barbara Milano, napa-throwback ito sa ilang alaala noong panahong malapit sila ni P-Noy sa isa’t isa sa kabila aniya ng magkaibang estado nila sa buhay kung saan ordinaryong tao lamang siya.

Bakas ang espesyal na pagkakaibigan ng dalawa kung saan kahit alanganing oras na ng gabi ay papadalhan siya ni Noynoy ng pagkain sa bahay, gayundin ang magdamag nilang kuwentuhan tungkol sa politika.

Inilarawan nito ang namayapang pangulo bilang low profile at simpleng tao lamang na lumalabas kahit isang body guard lang.

Batay sa impormasyon, taong 2000 nang mapabalitang may relasyon si Barbara kay Noynoy na noo’y congressman ng Tarlac second district.

Sa 2002 TV interview naman sa former sexy star, umamin siya na naging magkasintahan nga sila noong 2000 pero naghiwalay sa kalagitnaan ng 2001.

Nagsimula ang acting career ni Barbara noong 1999 sa pelikulang “Favorite Subject: Sex Education.” Nahalal siya bilang konsehal ng Talavera, Nueva Ecija noong 2004.

Samantala maliban sa sexy star, naugnay din ang ika-15 presidente ng bansa sa ilan pang personalidad.

PNoy girls

Kabilang dito ang kumpirmadong naging girlfriend na si dating Valenzuela City Council Member na si Shalani Soledad mula 2008 hanggang 2010.

At nang mag-break ay napabalitang idine-date ang kanyang stylist na si Liz Uy, sumunod ang Korean-born TV personality na si Grace Lee.

Sa kasalukuyan, asawa na ni Shalani si Pasig Representative Roman Romulo, kasal na rin si Liz sa negosyanteng si Raymond Racaza at mayroong dalawang anak, habang si Grace ay single pa rin ngunit abala sa kanyang mga negosyo.

Una na ring nakidalamhati si Uy sa pamamagitan ng pag-post ng larawan ni P-Noy na nilagyan nito ng heart emoji.