BACOLOD CITY – Kulong ang close-in bodyguards ng alkalde ng Isabela, Negros Occidental makaraang mahulihan ng mga baril sa raid na isinagawa ng mga pulis nitong Martes.
Dalawang dating sundalo kabilang ang mister ng punong barangay at dalawang iba pa ang nahuli sa paghain ng mga pulis ng search warrant sa Barangay 8, Isabela.
Ang mga arestado ay sina retired MSgt. Alexander Ferrer Jr., mister ni Punong Barangay Ma. Luz Ferrer; at retired MSgt. Florentino Lubio.
Naaresto rin sina Dominic Yanson at Niel Ladrido.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay P/Cpt. Roger Pama, hepe ng Isabela Police Station, dalawang .45-caliber pistol ang nakuha sa pag-iingat ni Ferrer, habang tag-isa namang .45-caliber pistol ang nakuha kay Ladrido at Lubio.
Nakuhaan din ang mga ito ng maraming mga bala.
Ayon kay Pama, ang operasyon ay isinagawa ng intelligence branch ng Negros Occidental Police Provincial Office sa bahay ng mga arestado sa Barangay 8.
Kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions at Commission on Elections gun ban ang kinakaharap ng apat.