-- Advertisements --

ILOILO CITY – Ikinadismaya ni dating Solicitor General (SolGen) Atty. Florin “Pilo” Hilbay ang naging hakbang ng pamahalaan hinggil sa isyu ng pagbangga ng Chinese vessel sa fishing boat ng mga Pilipinong mangingisda sa Recto bank sa West Philippine Sea.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Hilbay, sinabi nito na nakakaawa ang 22 Pilipinong mangingisda dahil lumalabas na mas kinakampihan pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang China.

Ayon kay Hilbay, ipinapakita lamang ni Duterte na wala itong interes na protektahan ang karapatan ng mga mangingisda.

Hindi rin aniya dapat ipinipilit ni Duterte na giyera ang magiging kapalit ng mga reklamo ng Pilipinas kontra sa China.

Pinanindigan ni Hilbay na karapatan ng Pilipinas na mag-file ng diplomatic protest laban sa China ngunit kapag hindi ito pinansin ng China, maaaring dumulog ang bansa sa ibang international body at ilathala upang maipaalam sa buong mundo ang ginagawa ng China.

Nagbabala pa ang dating SolGen laban sa China na huwag maghari-harian sa West Philippine Sea.

Kung maaalala, si Hilbay ang nagsilbing Solicitor General ng Pilipinas noong 2014 hanggang 2016, at naging kinatawan ng Pilipinas sa international case laban sa China na nag-nullify ng mga historical claims ng China sa West Philippine Sea noong 2016.