Inirekomenda ni retired Supreme Court Justice Francis Jardeleza na ang Office of the Solicitor General ang dapat na maghain ng panibagong complaint laban sa China sa Permanent Court of Arbitration at hindi mga lokal o banyagang abogado.
Ito ay kasunod na rin ng pahayag ni Solicitor General Menardo Guevarra na kasalukuyang pinag-aaralan na ng OSG ang kanilang mga legal na opsyon kaugnay sa West Philippine Sea kabilang ang paghahain ng bagong reklamo sa Permanent Court of Arbitration kasunod ng napaulat na pinsala sa mga bahura sa Rozul reef a Escoda shoal na nasa loob ng exclusive economic zone ng PH.
Ayon pa kay Jardeleza na dating nanungkulan din bilang Solicitor General na ang OSG din ang siyang nanguna noon sa paghahain ng reklamo sa international arbitral tribunal sa The Hague laban sa China noong 2013 na nagresulta sa pagkapanalo ng PH noong 2016 matapos ibasura ang 9-dash claim ng China sa pinagtatalunang karagatan.
Matatandaan na kinumpirma ng Philippine Coast Guard na lubhang napinsala ang marine environment at mga bahura sa seabed ng Rozul reef at Escoda shoal sa may bahagi ng West PH Sea matapos na ma-ispatan ang ilang Chinese maritime militia vessels.
Inirekomenda naman ng Department of Justice ang paghahain ng mga kaso laban sa China kaugnay sa napaulat na malawakang coral harvesting sa WPS.