Pumanaw na ang dating presidente ng South Korea na si Roh Tae-woo, na isang decorated war veteran na nagsibli ng malaki pero kontrobersyal na papel sa transition patungo sa democratic elections mula sa pamumuno ng mga authoritarian leaders.
Inanunsyo ng opisyal ng Seoul National University Hospital ang pagpanaw ng 88-anyos na dating presidente, pero hindi naman tinukoy ang dahilan nang pagkamatay nito.
Magugunita na mula noong 2002 ay humina na ang kalusugan ni Roh matapos na sumailalim sa surgery dahil sa prostate cancer, na sinundan pa ng ilang beses na pagkaka-ospital sa mga nakalipas na taon.
Si Roh ay dating coup conspirator pero kalaunan ay nahalal bilang presidente.
Bago pa man matapos ang kanyang political career ay hinatulan pa siya nang pagkakabilanggo dahil sa treason at corruption.
Ipinanganak si Roh noong Disyembre 4, 1932, anak ng isang mahirap na magsasaka sa Talsong County, malapit sa southeastern city ng Taegu.
Nag-aral siya sa Korean Military Academy sa Seoul at kalaunan dumalo sa psychological warfare course sa Fort Bragg, North Carolina.
Nagsimula ang kanyang military career noong 1950 hanggang 1953 sa kasagsagan ng Korean War at siya ay kalaunan naging commander naman ng combat unit sa Vietnam War.