Iginiit ni dating Senate President Franklin Drillion na tiyak na masisira ang imahe ng Senado ng Pilipinas kung itinuloy ang imbestigasyon laban sa drug war ng nakalipas na administrasyon sa pangunguna ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Ayon kay Drillon, tiyak na magkakaroon ng ibang impresyon ang publiko kung mangyayari ito.
Si Sen. Bato aniya ay dati nang pinangalanan ng ilang testigo na may pangunahing papel sa malawakang drug war kaya’t hindi na akma na siya pa ang manguna sa imbestigasyon.
Dagdag pa ni Drillon, magiging pangit ang lalabas na imahe kung ituloy ni Sen. Bato na pangunahan ang imbestigasyon at ipatawag pa si dating PRRD. Ang dalawa ay kapwa itinuturong utak sa malawakang drug war na nagresulta sa pagkamatay ng libo-libong mga drug personalities, at siya ngayong basehan ng mga imbestigasyon sa extra-judicial killing.
Ayon pa kay Drillon, ang imahe ng Senado bilang isang institusyon ang itataya dito, sakaling ito ay ituloy.
Naniniwala rin si Drillion na kapag sina Sen. Bato at Sen. Bong Go ang magtatanong kay dating PRRD, tiyak na bibigyan ito ng publiko ng ibang label, bagay na makakasira rin sa integridad ng Senado.
Gayonpaman, sinabi rin ng dating pangulo ng senado na sa huli ay ang kasalukuyang mga senador pa rin ang masusunod anuman ang kanilang nais na gawin.