Inakusahan ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez si Speaker Martin Romualdez na nanguna sa peoples initiative (PI) para amyendahan ang 1987 Constitution at ginagamit pa ang mga programa ng gobyerno para akitin ang mga indibidwal na lumagda sa Charter change petition.
Inihayag ni Alvarez na partikular na ginagamit umano ng grupo ni Romualdez ang AICS para pumirma ang mga tao kung saan bibigyan sila ng P5,000 basta pumirma sila sa petisyon, dahilan na nakuha ng mga ito ang 3 percent.
Ang AICS or Assistance to Individuals in Crisis Situation ay isang social welfare service na ibinibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagbibigay ng suporta, medical assistance, burial aid, transportation, education, food,at financial assistance sa mga indibidwal o pamilya na nangangailangan.
Ang Peoples Initiative naman ay naglalayong amyendahan ang Saligang Batas.
Si Alvarez ang kasalukuyang representative ng first district ng Davao Del Norte.
Ibinunyag din ni Alvarez na bukod sa pirma lalong-lalo na ang mga negosyante ay pinangakuan na waived na ang kanilang realty taxes.
Tinukoy pa ni Alvarez na ang Tingog Party-List ang namimigay ng AICs at isa si Rep. Yedda Marie Romualdez ang asawa ni Speaker Romualdez.
Samantala, mariing itinanggi ni Romualdez ang akusasyon ni Sen. Imee Marcos na siya ang nasa likod ng PI.
Hinamon naman ni Romualdez ang pinsang senadora na maglabas ng kanilang ebidensiya.
Inihayag naman ni Alvares na inaasahan na itatanggi ito ni Speaker.
“Hindi naman talaga aamin ‘yan dahil alam niyang may liability siya sa anti-graft or pwedeng kasuhan kung talagang aaminin niya ‘yon,” pahayag ni Alvarez.