Kinumpirma ni Ako Bicol Partylist Rep. Jil Bongalon na hanggang sa ngayon wala pang natatanggap na sagot ang House Ethics Committee mula kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez.
Ayon kay Bongalon, na siya ring vice chairman ng komite, magtatapos pa sa Huwebes ang ibinigay nilang sampung araw na deadline para maipaliwanag ni Alvarez ang kanyang panig.
Nuong May 7 nang atasan ng House Ethics Committee si Alvarez na sagutin ang reklamo laban sa kanya.
Sabi ni Bongalon, anim na penalties ang tinitignan ng komite na pwedeng kaharapin ni Alvarez.
Ito ay reprimand, censure, suspension ng 60 days, expulsion sa Kamara at iba pang penalty na pwedeng ipataw ng komite.
Nilinaw ni Bongalon, anuman ang desisyon ng komite ay isasangguni sa mga miembro ng Kamara at pagbobotohan sa plenaryo.
Ang ethics complaint laban kay Alvarez ay nag-ugat nang manawagan sa rally ng mga Duterte supporters sa Tagum City na i-witdraw na ng Armed Forces of the Philippines ang suporta kay Pangulong Bongbong Marcos.