Update) BACOLOD CITY – Ilang anggulo ang tinututukan ng mga pulis kaugnay sa pagpatay ng riding-in-tandem suspects sa dating pinuno ng mga barangay tanod sa Alunan St., Sagay City, Negros Occidental kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Major Antonio Benitez, hepe ng Sagay City Police Station, kinilala ang biktima kay Jesus Sueco at residente ng Barangay Vito sa nasabing lungsod.
Nabatid na si Sueco ay tumakbong barangay kagawad sa nakaraang eleksyon ngunit natalo.
Itinalaga ito bilang chief tanod ngunit pinatalsik naman ng kanilang punong barangay.
Ayon kay Benitez, papunta sana sa city proper ang biktima nang bigla na lang mayroong tumabing motorsiklo sa minamaneho nitong multi-cab at pinagbabaril siya ng mga suspek.
Dead-on-arrival sa ospital si Sueco at sugatan naman ang isang batang nadaplisan ng bala.
Sa ngayon, tatlong anggulo ang tinutukan ng pulisya.
Ayon sa hepe, posibleng personal grudges ang motibo o ang trabaho niya dati bilang chief tanod.
Hindi rin nila isinasantabi ang posibilidad na may kaugnayan ito sa illegal drug trade.
Mayroon na rin silang persons of interest na inimbitahan sa police station.