Posible umanong ipatawag sa susunod na mga pagdinig sa nagpapatuloy na impeachment trial kay US President Donald Trump ang dati nitong national security adviser na si John Bolton.
Bago ito, inilabas ng New York Times ang isang bombshell report kung saan nakasaad na sinabi raw ni Trump kay Bolton na ititigil daw nito ang military aid sa Ukraine hangga’t hindi pumapayag ang Ukrainian government sa kanyang hiling na pag-imbestiga kay dating Vice President Joe Biden at sa Democratic Party.
Ang nasabing report ay base sa mga pahayag ni Bolton sa ilalabas nitong libro, na kung saan ang isang kopya ay ipinadala sa White House bilang bahagi ng review process.
Sinabi ng mga Republican senators na sina Mitt Romney at Susan Collins, dahil sa mga rebelasyon na ito ni Bolton ay mas lumaki pa raw ang tsansa na ipapatawag ito upang tumestigo sa pagdinig.
Pero ayon kay Romney, magpapasya lamang daw ito kaugnay sa isyu sa oras na marinig na nito ang panig ng depensa.
Samantala, sa kabila ng ingay na ginawa ng libro ni Bolton, mistulang tikom naman ang bibig ng defense team ni Trump, partikular sina Jay Sekulow o Kenneth Starr, na nagsalita pa sa pagsisimula ng proceedings.
Giit ni Sekulow, walang nilabag na batas ang pangulo ng Amerika sa pagbawi ng ayuda sa Ukraine.
Inakusahan naman ni Starr ang US House of Representatives na umaabuso raw sa kapangyarihan matapos aprubahan ang Article 2, na nagdidiin kay Trump sa obstruction of Congress.
“Here, we have, tragically for the country and, I believe, tragically for the House of Representatives, in article 2 of these impeachment articles, a runaway House,” wika ni Starr. “It has run away not only from its long-standing procedures — it has run away from the Constitution’s demand of fundamental fairness.”