LAOAG CITY – Inihayag ng dating TV Host na si Paolo Barba Bediones ang kanyang pagtakbo bilang Mayor para sa 2025 Midterm Elections sa bayan ng San Nicolas dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Aniya, pormal na niyang na-reactivate muli ang kanyang voter’s registration sa Commission on Election Office sa nasabing bayan.
Nakausap na niya ang kanyang pamilya tungkol dito at nagpasya silang tumakbo bilang Mayor ng San Nicolas.
Ipinaliwanag niya na bago siya nagdesisyon ay tinapos pa niya ang kanyang mga responsibilidad sa showbusiness at bilang isang Broadcast Journalist.
Sinabi niya na nag-aral siya ng Master’s Degree for Entrepreneurship sa Asian Institute of Management.
Kaugnay nito, nag-usap na sila nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang kanyang tiyo na si Ilocos Norte 2nd District Representative Angelo Marcos Barba ukol sa kanyang pagtakbo bilang Mayor.
Ipinaalam niya na may pagpupulong sila kasama sina Senator Imee Marcos at Gov. Matthew Marcos Manotoc para sa kanilang mga plano.
Dagdag pa niya, ang mga pangunahing prayoridad niya sa sandaling maupo siya sa pwesto ay ang mga larangan ng edukasyon, kalusugan, palakasan at iba pa.
Samantala, si Bediones ay pamangkin ni Pres. Marcos Jr. at lola niya si Fortuna Marcos Barba, kapatid ni dating Pres. Ferdinand Marcos Sr.
Nauna rito, nag-courtesy call si Bediones kay Acting Mayor Napoleon Hernando sa bayan ng San Nicolas.