Kinasuhan ng federal grand jury ng criminal charges si dating US President Donald Trump dahil sa pagtatangka nitong baliktarin ang resulta ng presidential election noong taong 2020.
Humantong kasi ito sa marahas na riot ng mga tagasuporta ni Trump sa US Capitol noong Enero 6, 2021.
Kabilang sa isinampang kaso laban kay Trump ay conspiracy to defraud the United States, conspiracy to obstruct an official proceeding, obstruction of and attempt to obstruct an official proceeding at conspiracy against rights.
Nakatakda namang humarap si Trump sa Washington, DC federal courthouse dakong 4pm eastern time sa araw ng Huwebes.
Ayon kay special counsel Jack Smith na itinalaga ng US Department of Justice para imbestigahan ang 2 magkahiwalay na criminal charges laban kay Trump, target nito ang mabilis na pagdinig sa kaso at tinawag ang nangyaring riot sa US capitol na isang unprecedented assault sa demokrasiya ng Amerika.
Ito naman na ang ikatlong pagkakataon na kinasuhan ng criminal charges si Trump.
Una na kasing na-indict si Trump sa imbestigasyon ng mishandling ng classified documents noong Hunyo at kinasuhan ng Manhattan grand jury si Trump ng business fraud noong Marso dahil sa cover up ng hush-money payment sa isang porn star.
Sa kabila nito, umapela ng not guilty plea si Trump sa dalawang kaso at itinanggi ang panibagong kasong ibinabato laban sa kaniya.
Ang 77 anyos na si Trump ay planong tumakbong muli sa 2024 presidential election sa kabila pa ng mga kinakaharap nitong mga kaso.