No show pa rin sa ikalawang 2024 Republican presidential debate sa Los Angeles, CA si dating US President Donald Trump na siyang pangunahing front-runner ng partido.
Hindi naman naiwasang maging tampulan ng pag-atake sa debate ng ilan sa 7 kandidato ang hindi pagdalo ni Trump.
Kabilang sa mga dumalo sa naturang debate ay sina Florida Gov. Ron DeSantis, dating New Jersey Gov. Chris Christie, North Dakota Gov. Doug Burgum, dating U.N. Ambassador Nikki Haley, dating US Vice President Mike Pence, South Carolina Sen. Tim Scott at Vivek Ramaswamy.
Natalakay ang mga isyu gaya ng nagpapatuloy na United Auto Workers strike, nakaambang government shutdown sa Linggo, Oktubre 1 oras sa Amerika sakaling mabigo ang US Congress na ma-enact ang funding legislation na kailangan para mapondohan ang federal government bago ang susunod na fiscal year gayundin pinagdebatehan ang isyu sa immigration policy at edukasyon kung saan ipinukol ang sisi kay US Pres. Joe Biden ang karamihan sa mga isyung ito na kasalukuyang kinakaharap ng Estados Unidos.
Sa kabila naman ng pagliban ni Trump sa dalawang debate, base sa mga survey, lumawig pa ang pamamayagpag nito laban sa mga katunggali nito lalo na sa Iowa at New Hampshire.
Napaulat ding pinaplano ni Trump na lumiban sa ikatlong debate na gaganapin naman sa Miami, Florida.