Ikinampaniya ni dating US President Barack Obama si Vice President Kamala Harris sa campaign rally sa Pittsburgh sa swing state ng Pennsylvania nitong gabi ng Huwebes, oras sa Amerika.
Sa speech ni dating US Pres. Obama sa University of Pittsburgh, umapela siya sa mamamayan ng Amerika na bumoto para kay Vice President Kamala Harris bilang Pangulo sa darating na halalan sa Nobiyembre 5, 2024.
Binanatan din ni Obama ang katunggali sa US Presidential race ni VP Harris na si Republican candidate at ex-US President Donald Trump kaugnay sa iba’t ibang mga isyu kabilang na dito ang mga kasinungalingan ni Trump laban sa pamimigay ng ayuda ng Biden administration sa hurricane victims kung saan pinagkakaitaan umano ng tulong ang mga nasa Republican areas at iniipon para ibigay sa hindi dokumentadong immigrants.
Binatikos din ni Obama si Trump bilang isang makasariling pulitiko na ang tanging inaalala ay ang kaniyang ego, pera at kaniyang estado. Hindi din aniya iniisip ang mamamayan ng Amerika at inakusahan din si Trump na tinatangka nitong buwagin ang Affordable Care Act, isang mahalagang legislation kung saan nakadependa ang milyun-milyong Americans.
Matatandaan nauna ng hayagang inendorso ng ika-44 na Pangulo ng Amerika kasama ang kaniyang maybahay na si Michelle Obama si VP Harris noong Hulyo matapos ianunsiyo ni US President Joe Biden ang kaniyang pag-atras mula sa 2024 US Presidential race.
Samantala, kasabay ng pangangampaniya ni Obama kay Harris sa Pennsylvania, sa landlocked state naman ng Nevada nangampaniya si Democratic nominee Kamala Harris para makakuha ng suporta mula sa mga botanteng Latino.
Habang si Trump naman ay nangampaniya sa pinakamalaking siyudad sa swing state ng Michigan.