-- Advertisements --

Tinanggal ng Korte Suprema ng Colorado si dating US President Donald Trump mula sa balota sa presidential election ng estado sa susunod na taon dahil sa naging papel nito sa pag-atake ng kaniyang mga supporter sa US Capitol noong Enero 6, 2021.

Dahil sa naturang ruling ng korte, si Trump ang kauna-unahang kandidato sa kasaysayan ng Amerika na nadiskwalipika sa presidential election sa pamamagitan ng pambihirang paggamit ng probisyon ng US Constitution na nagbabawal sa mga opisyal na sangkot sa insurrection o rebelyon na manungkulan sa gobyerno.

Subalit sa pananaw ng nonpartisan US forecasters, ang Colorado ay maka-Democrats nangangahulugan na malao ang tiyansang manalo ni US Pres. Joe Biden anuman ang maging kapalaran sa kasong kinakaharap ni Trump.

Nag-ugat nga ang kaso sa inihaing apela ng grupo ng mga botante sa Colorado na humihiling na madiskwalipika si Trump dahil sa paghikayat sa mga supporter nito na atakehin ang kapitol sa nabigong pagtatangkang pigilan ang paglilipat ng posisyon ng pagkapangulo kay Biden matapos ang 2020 election.

Inaasahan namang iaapela ng kampo ni Trump ang naging desisyon ng korte suprema ng Colorado sa US Supreme Court.