-- Advertisements --

Umapela ang kampo ni dating US President at Republican frontrunner na si Donald Trump sa Superior Court sa estado ng Maine para baliktarin ang naging desisyon ng Secretary of state na idiskwalipika ito mula sa 2024 primary ballot ng estado para sa nakatakdang halalan doon sa Marso 5, 2024

Ito ay bunsod ng naging papel umano ni Trump sa pag-atake ng kaniyang mga supporter sa US Capitol noong Enero 6, 2021.

Sa inihaing apela ng abogado ni Trump sa korte, iginiit nito na ang naging desisyon ng democrat na si Secretary of State Shenna Bellows ay isang produkto umano ng isang proseso na may kinikilingan at kawalan ng due process.

Itinanggi din ng legal team ni Trump na nakibahagi ito sa rebelyon at idiniing walang awtoridad si Bellows para tanggalin siya mula sa balota.

Samantala, naglabas din ng pahayag si Bellows matapos ihain ng kampo ni Trump ang kanilang apela at sinabing kumpiyansa ito sa kaniyang naging desisyon at sa rule of law.

Maliban sa estado ng Maine, humaharap din ng kaparehong diskwlipikasyon si Trump sa kaniyang kandidatura sa iba pang estado kabilang na ang Colorado kung saan ipinag-utos ng Korte Suprema ng naturang estado na tanggalin ang dating US president mula sa primary ballot, bagay na plano ding iapela ng kampo ni Trump sa US Supreme Court.