CAGAYAN DE ORO CITY – Nabawasan ang puwersa na hawak ni incumbent US President Donald Trump habang papalapit ang presidential elections kung saan katunggali nito ang pambato ng Democrats Party na si dating US Vice President Joe Biden.
Ito ay matapos ini-indorso umano ni dating US President George W. Bush si Biden sa halip na si Trump na kanyang kapartido ng Republican.
Iniulat ng Bombo Radyo international news correspondent na nakabase sa California na si Gabriel Ortigoza na nagmula Cagayan de Oro City na binigla umano ni Bush ang Republicans dahil sa ginawang endorso sa kandidatura ni Biden laban sa kapartido na si Trump.
Inihayag ni Ortigoza na maliban kay Bush ay nagpaabot suporta rin kay Biden ang dating chairman ng Republican National Committee na si Michael Steele kay Biden.
Dagdag nito na maging ang ilang mga kongresista at mga senador na kapartido ni Trump ay lumipat na rin ng suporta para kay Biden.
Magugunitang ang estado ng California ay kilala na ‘blue state’ o kontrolado ng partido Democrats.
Napag-alaman na kahit sa ibang estado ay naghihingalo ang kandidatura ni Trump dahil ayon sa ulat ng ilang Bombo Radyo US news correspondents ay marami ang dismayado dahil sa hindi maayos na pagsagot kung paano malaban ang COVID-19 kung saan higit walong milyong katao na ang dinapuan sa Amerika.