Nagpahayag ng pagdududa ang opisyal ng Pilipinas na nanguna noon sa kampanya ng pagbabakuna sa COVID-19 ng gobyerno kaugnay sa isang investigative report ng Reuters na naga-akusa sa US ng pagsuporta sa propaganda upang siraan ang China at ang bakunang Sinovac nito sa Pilipinas.
Ayon kay dating Vaccine czar Carlito Galvez Jr. lahat ng kaalyado ng Pilipinas noong panahong iyon ay tila sumusuporta sa anumang available na bakuna.
Aniya, lahat ng bansa sa pamamagitan ng kanilang mga embahada ay nagsisikap na tulungan ang PH na makakuha ng magagamit na bakuna kontra COVID-19 mula sa merkado.
Base aniya sa kaniyang pagkakaalala karamihan sa mga kaibigan at kaalyado nito ay sinabing ang pinakamahusay na bakuna ay ang vaccine na available.
Nang kunan naman ng komento, sinabi ng DOH na ang mga natuklasan ng Reuters ay karapat-dapat na imbestigahan at marinig ng mga naaangkop na awtoridad ng mga kasangkot na bansa.
Ayon nga sa ulat ng naturang media agency na inilathala noong linggo, naglunsad umano ng isang sekretong programa ang US military sa gitna ng krisis sa COVID-19 upang siraan ang Sinovac inoculation ng China, ganti umano ito para sa mga pagsisikap ng Beijing na sisihin ang Washington para sa pandemya kung saan isa nga sa naging target ay ang mga Pilipino.