Muling tatangkain ng dating beteranong Senador na si Gregorio “Gringo” Honasan na tumakbo sa pagka-Senador sa 2025 midterm elections.
Sa isang statement, inanunsiyo ng dating Senador na maghahain siya ng kaniyang kandidatura sa araw ng Lunes, Oktubre 7 sa ilalim ng Reform Party o Partido Reporma.
Sinabi ni Honasan na kapag muli siyang nahalal sa Senado, nangako siyang isusulong niya ang pagpasa ng bagong Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program Law.
Aniya, nakatakdang magpaso ang kasalukuyang modernization program ng AFP sa taong 2027 at kailangan aniya ng bagong batas para maipagpatuloy ang mga proyektong nakalaan para sa pagpapalakas pa ng defense capabilities ng ating bansa.
Saad pa ni Honasan na dati ring chairperson ng Senate Committee on National Defense and Security na kailangan itong maipagpatuloy lalo na ngayong tumitindi ang mga tensiyon sa West Philippine Sea.
Matatandaan na isa si ex-Sen. Honasan sa mga founder ng Reform the Armed Forces Movement na gumampan ng mahalagang papel noong 1986 People Power Revolution.
Nagsilbi din siya bilang kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa ilalim ng Duterte administration. Dati din siyang Philippine Army colonel.
Si Honasan din ang kauna-unahang independent candidate sa kasaysayan ng Pilipinas na nanalo bilang Senador nang una niyang pasukin ang pulitika noong 1995.