BUTUAN CITY – Nananatiling naka-hospital arrest ang inarestong si dating Nasipit, Agusan del Norte Vice Mayor Ronald “Posoy” Timogan.
Kinumpirma ito ni P/Maj. Edgar Allan Serquiña, hepe ng Nasipit Municipal Police Station, matapos na hindi umano tanggapin ng Branch 33 Hall of Justice ang isinauli nilang warrant of arrest dahil sa kawalan nila ng dalang pruweba na na-confine nga ang suspek.
Ayon sa opisyal, agad silang bumalik sa ospital upang makakuha ng certification of confinement na hindi naman ibinigay ng doktor ni Timogan.
Kailangang daw kasi na ang judge mismo ang magre-request nito na hindi naman natupad dahil nasa “out of town” ang huwes.
Dahil dito’y wala silang ibang magawa kundi sundin ang payo ng fiscal na sundin ang abiso ng doktor.
Nitong Setyembre 27 ng gabi nadakip ang dating bise alkalde dahil sa kasong syndicated large scale estafa, ngunit dahil sa pagtaas ng presyon ng kanyang dugo ay sa ospital ito dumiretso imbes na sa kulungan.