-- Advertisements --

ILOILO CITY – Naniniwala ang Philippine National Police (PNP) na may nangyaring leakage bago pa man isinilbi ang search warrant sa dating vice mayor ng Sara Iloilo at ngayon Liga ng mga Barangay President Neptali “Wangyu” Salcedo Jr.

Si Wangyu ay anak ng wanted na si dating Sara Iloilo Mayor Neptali Salcedo Sr. at ni incumbent Sara Iloilo Mayor Ermelita Salcedo na dati na ring inaresto dahil sa pagtatago ng mga hindi lisyensyadong mga armas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Iloilo Police Provincial Office (IPPO) Director Police Colonel Marlon Tayaba , sinabi nitong posibleng natiktikan ni Salcedo na magsasagawa ng raid sa kanyang bahay kung kaya’t natakasan nito ang mga otoridad.

Ayon kay Tayaba, may limang mga armas na nakapangalan kay Wangyu na hindi na renew kung kaya’t sinilbihan ito ng search warrant.

Nagbabala naman si Tayaba na maaring maharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang nagtatago ng mga armas ni Wangyu.

Samantala ayon naman kay Police Captain Ascencion Ortizo, hepe ng Sara Municipal Police Station, kibit balikat ang ina ni Wangyu na si Mayor Ermelita ng tinanong sa kinaroroonan ng kanyang anak.