Patuloy ang pagbuhos ng mga tawag sa Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng mga problema sa mga vote counting machine (VCM) na nagkaaberya ngayong halalan.
Partikular ang karaniwang reklamo na iniluluwa o hindi tinatanggap ng makina ang mga balota.
Nilinaw naman ni Comelec Spokesman James Jimenez na ang nangyari kay dating Vice President Jejomar Binay ay nagkataon lamang at hindi lamang siya ang hindi agad nakaboto dahil sa aberya ng makina.
Aniya, lahat ng mga botante na natapat sa nasabing machine ay nakaranas din ng nasabing problema.
Nagkataon lamang aniya na siya ay high profile at hindi rin aniya maituturing na VIP treatment ang pagtugon nila matapos na sumugod ito sa Philippines International Convention Center (PICC) kaninang umaga.
Reklamo ng dating bise presidente, walong beses na hindi nabasa ng VCM ang kanyang balota.
Lumalabas namang nagkaroon ng problema sa VCM at balotang ginamit ni Binay.
Dahil dito, agad namang pinalitan ang ginamit na makina at kalauna’y nakaboto rin ang dating vice president na tumatakbo ngayong kongresista ng Makati.
Umaasa naman si Jimenez na wala nang maraming aberya sa makina ang mararanasan sa nalalabing oras ng halalan lalo na’t bumubuhos ang mga reklamo ng mga botante dahil sa pangambang hindi mabilang ang kanilang boto dahil sa pag-malfunction ng mga makina.