Bukas si dating Bise Presidente Leni Robredo at ang kaniyang non-government organization na Angat Pinas, o mas kilala rin sa tawag na Angat Buhay Foundation, na makipagtulungan sa gobyerno para makapagbigay ng mental health services sa mas maraming mga Pilipino.
Pinagpa-planuhan na rin daw ng kaniyang foundation na ibalik ang Bayanihan E-Konsulta para makapagbigay ng libreng mental health services sa iba’t ibang komunidad sa bansa.
Ang naturang programa nga ay isa sa mga naging programa ni Robredo sa kasagsagan ng pandemya noong siya’y pangalawang pangulo.
Ginawa ni Robredo ang pahayag sa ginanap na mental health research symposium na inorganisa ng Department of Science and Technology – Philippine Council for Health Research and Development kung saan inimbitahan siya bilang keynote speaker.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na dumalo si Robredo sa isang aktibidad na inorganisa ng pamahalaan matapos ang kanyang panunungkulan bilang bise presidente.
Binigyang-diin ni executive director Dr. Jaime Montoya ng Philippine Council for Health Research and Development na kaya nila inimbitahan si Robredo ay dahil naniniwala sila na “science is beyond politics.”
Kumpiyansa rin ang ahensiya na matutulungan sila ni Robredo na mas palawakin pa ang diskusyon sa mental health dahil kahit wala pa man daw ito sa pulitika ay marami na itong naging programa sa mga komunidad partikular na sa mental health.
Samantala, ibinahagi rin ni Montoya na nakikipag-ugnayan na ang kanilang ahensiya sa PhilHealth para mas makatanggap ng makatwirang kompensasyon ang mga mental health professionals.
Gumagawa na rin daw ang kanilang tanggapan ng mga modules na ibibigay sa mga healthcare workers sa mga barangay para matulungan ito na ma-detect kaagad ang mental health problem at makagawa ng mga nararapat na intervention.