-- Advertisements --

Hindi napigilan ni dating Vice President Leni Robredo na ikumpara ang naging sitwasyon noon ni dating Senator Leila de Lima sa sitwasyon ngayon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nasa detention facility ng International Criminal Court (ICC).

Sa isang press conference sa Naga city, sinabi ng dating Bise Presidente na hindi kinuwestiyon ng dating Senadora ang due process at hinarap niya ang lahat kahit na mali ang mga paratang laban kay De Lima.

Sinabi pa ni Robredo na base sa mga report, tila naalagaan ng mabuti ang dating Pangulo at may access sa computer, bagay na ipinagkait kay De Lima noong nakakulong ito.

Giit pa ng dating Ikalawang Pangulo na pinapayagan din ang conjugal at family visits habang nasa kustodiya ng ICC ang dating Pangulo, habang inalala naman ni Robredo ang sitwasyon noon ni De Lima na mayroon lamang itong electric fan at walang access sa computer kahit pa siya ay nakaupong Senador noong panahong inaresto siya at sa halip ay isinusulat na lamang ang mga official document noong nakakulong siya habang ginagampanan ang kaniyang trabaho bilang isang Senador.

Binanggit din ni Robredo ang nangyaring pag-hostage kay De Lima sa loob ng detention facility noong subukan ng isang preso na tumakas, na naglagay sa buhay ng dating Senadora sa panganib.

Ginawa ng dating Bise Presidente ang pahayag sa gitna ng mga reklamo mula sa kampo ng dating Pangulo na walang due process sa pag-aresto sa kaniya.

Matatandaan, nakulong si De Lima sa loob ng halos 7 taon sa Camp Crame dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa illegal drug trade subalit kalaunan ay naibasura habang si dating Pangulong Rodrigo Duterte naman ay inaresto noong Martes, Marso 11 sa bisa ng warrant of arrest ng ICC para sa umano’y crimes against humanity dahil sa mga pagpatay sa war on drugs noong kaniyang administrasyon. Kasalukuyang nakadetine ang dating Pangulo sa detention facility sa Scheveningen, The Hague, Netherlands kung nasaan ang headquarter ng ICC, habang inaantay ang kaniyang pre-trial hearing sa Setyembre 23, 2025.