Nagpahayag ng pagkabahala si dating Vice President Leni Robredo sa kakulangan ng mga psychiatrists ng Pilipinas.
Ito ang isa sa mga ipinunto ng dating bise presidente sa gitna ng tumataas na mga kaso ng mental health problems hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa buong mundo na mas pinalala pa ng tumamang COVID-19 pandemic sa Pilipinas.
Ayon kay Robredo, noong bumaba ang mga kaso ng mga pasyenteng may COVID-19 ay kapansin-pansin aniya na karamihan sa mga pasyenteng pumupunta sa kanilang free teleconsult platform ay may mga mental health problem.
Aniya, sa datos nasa 3.6 million na mga Pilipino ang kasalukuyang dumaranas ngayon ng mental health issue kahit noong bago pa man magsimula ang COVID-19 pandemic.
Habang napakakonti naman aniya ng mga psychiatrists sa bansa dahilan kung bakit natetengga sa waitlist ng hanggang anim na buwan ang mga pasyenteng nangangailangang sumailalim sa kaukulang atensyong medikal.
Ayon kay Robredo, upang matugunan ito ay naghahanda na siya ng isang community-based training para sa mga barangay health workers at maturuan silang magsagawa ng counseling services.
Kung maaalala, noong panahon ng kaniyang panunungkulan bilang pangalawang Pangulo ng Pilipinas ay inilunsad din ni Robredo ang Bayanihan e-Konsulta program na nag-iimbita sa mga health at non-health professionals para magbigay ng libre at boluntaryong online health services para sa mga pasyente.