-- Advertisements --
wirecard germany
Wirecard headquarters in Aschheim, Germany (Wiki photo)

(Updated) Inamin ni DOJ Sec. Menardo Guevarra na naalarma sila sa nabulgar na impormasyon na nagpabalik balik pala ng Pilipinas ang sinibak na dating opisyal ng German online payment firm na wirecard.

Una nang kinumpirma ng kalihim ang lumabas sa record ng Bureau of Immigration (BI) na liban noong buwan ng Marso, bumalik na naman ito ng Metro Manila si Jan Marsalek ang dating COO ng wirecard noong June 23, 2020.

Pagkatapos nito kinabukasan ay umalis ito patungo ng Cebu para sumakay naman ng eroplano papunta ng China.

Ang dagdag pa raw na nakapapagtaka ay wala namang senyales ng CCTV na ito ay nakita sa Mactan Cebu International Airport.

Pero ito naman daw ay naka-record sa database ng BI.

Nakadetalye rin kung anong klase raw ng airline ang sinakyan nito patungong china.

May bago ring impormasyon ang DOJ batay sa ulat ng CNN Philippines na si Marsalek ay may asawa palang Pinay at ito ay sinamahan kaya nakalusot sa mahigpit na restrictions sa panahon ng pandemic.

Sa ngayon puspusan ang imbestigasyon ng DOJ katuwang ang BI at AMLC sa naturang kaso.

Ang Filipino lawyer na si Mark Tolentino ay inimbitahan na rin ng NBI sa Lunes matapos madawit sa bank fraud at naging kasangkapan umano ng iskandalo.

Una nang itinanggi ng BSP na pumasok sa banking system sa Pilipinas ang mahigit P2 bilyong dolyares na pera na nawawala sa accounting scam.

Maari raw kasi na ang dalawang bangko sa Pilipinas ay ginamit lamang upang pagtakpan ang malaking iskandalo sa Germany.

Bago ito ang long-time auditors ng kompaniya na Ernst & Young ay inakusahan nila ang Wirecard sa malawakang anomalya o “an elaborate and sophisticated fraud” para mawala ang $2 billion na pondo.