-- Advertisements --

Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na pormal na silang naghain ng kaso laban sa dating Wirecard executive Jan Marsalek, isang abogadong Pinoy at ilan pang opisyal na nasangkot sa kontrobersiyal na accounting scandal na nagdulot nang pag-collapse ng naturang kilalang German payments processor noong nakaraang taon.

Ayon kay Assistant State Prosecutor Honey Rose Delgado naghain ng kaso ang NBI sa Department of Justice (DOJ) dahil sa reklamong falsification of commercial documents laban kay Marsalek, Atty. Mark Tolentino, isang Joey Dela Cruz Arellano, Judith Singayan Pe, at ilan pang hindi muna kinilalang personalidad.

Ang mga respondents ay kinasuhan din nang paglabag sa Electronic Commerce Act, Cybercrime Prevention Act, at banking laws.

Nag-ugat ang isyu nang ibunyag na nawawala ang €1.9 billion euros ($2.1 billion) o mahigit P1.7 trillion.

Una nang inimbitahan ng NBI si Atty. Tolentino kaugnay pa rin sa sinasabing pagkakasangkot nito sa Wirecard scandal.

Inimbestigahan din noon ng Bureau of Immigration (BI) ang travel record ng dating Wirecard chief operationg officer (COO) na si Marsalek na posibleng nagtagal sa Pilipinas noong Marso 2020.

Nakapasok daw sa bansa si Marsalek lalo na sa mga panahong wala pang travel restrictions dahil sa COVID-19 pandemic.

Itinanggi rin noon ng kompaniyang Wirecard na COO nila si Marsalek matapos lumabas ang isyung may nawawalang $2 billion sa kanilang balance sheet na hindi naman daw talaga nag-exist.

Ang mga bangko naman sa Pilipinas kabilang ang Bank of the Philippine Islands (BPI) at BDO ay sinabing pineke ang mga dokumento kaugnay ng transaksiyon para magmukhang nasa kanila ang nawawalang pera.

Sinabi na rin noon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang nawawalang pera na sinasabing idineposito sa dalawang bangko ay hindi nakapasok sa local financial system ng bansa.