-- Advertisements --
Karl Chua
Usec Chua/ FB image

Wala pa umanong nakikitang dahilan ang mga economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte para irekomenda ang pagsususpinde sa excise tax na ipinapataw sa mga oil products sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Sa economic briefing sa Malacañang, sinabi ni Finance Undersecretary Karl Chua na mahigpit na mino-monitor ng economic team ang sitwasyon sa Gitnang Silangan matapos ang naganap na drone attack sa mga oil fields ng Saudi Arabia.

Ayon kay Undersecretary Chua, mayroong probisyon sa TRAIN Law na kung umabot sa $80 kada bariles ang presyo ng krudo sa world market sa loob ng magkakasunod na tatlong buwan ay isususpinde ang excise tax sa mga inaangkat na oil products.

Pero batay aniya sa pinakahuling report, bumalik na sa normal ang operasyon ng pinasabog na Aramco oil fields sa Saudi Arabia at nananatiling nasa $64 kada bariles ang presyo ng krudo sa international market bagay na malayo sa treshhold price na $80 per barrel.