Pinaalalahanan ngayon ng Supreme Court (SC) Chief Justice Lucas Bersamin, ang lahat ng executive judges at clerks of court ng second at first level-courts na dapat ay nasa kanilang trabaho sa Lunes, May 13, 2019 para tugunan ang lahat ng election matters sa kanilang jurisdiction.
Inatasan din niya ang mga ito na resolbahin ang lahat ng election related cases base na rin sa Circular No. 05-2019 na inisyu ng Office of the Court Administrator noong Enero 11.
Sa Circular No. 05-2019, maaaring i-designate ng executive judge ang vice-executive judge o sino man sa mga judges sa station kapag hindi ito makakapasok sa Lunes.
Sa bakanteng single sala Regional Trial Courts (RTCs), kung masyadong malayo ang opisina ng acting presiding judge sa concern na korte ay maaring mai-refer ang mga urgent election matter para sa kaukulang aksiyon sa clerk of court papuntang executive judge na pinakamalapit naman sa korte o station.
Sa kaso ng bakanteng Metropolitan Trial Courts (MeTCs), Municipal Trial Courts in Cities (MTCCs), Municipal Trial Courts (MTCs) at Municipal Circuit Trial Courts (MCTCs), ang mga election matter ay kailangang mai-refer naman sa presiding judge sa pinakamalapit na korte o sa executive judge.
Ang Clerk of Court sa Office of the Clerk of Court ay kailangan din magkaroon ng skeletal force sa kanilang opisina para sa collection ng court fees at para tumanggap ng cash bonds at iba pang bonds para sa mga election offenses.
Una rito, nag-isyu ang Malacañang ng Proclamation No. 719, series of 2019 na nagdedeklara sa May 13, 2019 bilang special (non-working) holiday sa buong kapuluan dahil sa national and local elections.