Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang proposed Executive Order kaugnay sa pagpapatupad sa pagbabago sa Rate ng Import Duty sa ilang import articles, upang ipatupad ang Philippine Tariff Commitments alinsunod sa Regional Comprehensive Economic Partnership Agreement.
Inatasan naman ng Pangulo si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual na simulan na ang isang education and information campaign na nagdedetalye ng mga benepisyo at epekto ng RCEP, na may diin na ang RCEP Agreement ay magbibigay sa bansa ng access sa 2 billion market.
Gayundin, magbibigay ito ng pagkakataon para sa paglikha ng trabaho habang tinitiyak na ang mga sensitibo at napakasensitibong produktong agrikultura ay hindi isasama sa mga iskedyul ng pagbabawas ng taripa, gayundin ang hindi magreresulta sa dislokasyon ng mga manggagawa.
Inaprubahan din ng Punong Ehekutibo ang mga Rekomendasyon ng Social Protection Floor (SPF) na may mga iminungkahing estratehiya para sa pag garantiya ng panlipunang proteksiyon gaya ng pangangalagang pangkalusugan, sa mga bata, aktibong edad at matatandang tao.
Karamihan sa mga programa ay umiiral na sa bawat ahensiya ng gobyerno, kung saan tinitiyak ng SPF ang institusyonalisasyon ng mga programang ito para sa mga mahihinang sektor na naglalayong mabawasan ang kahirapan.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nanguna sa 5th NEDA Board Meeting ngayong araw.