Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pa ring inilabas Executive Order (EO) si Pangulong Rodrigo Duterte para sa isinusulong na “price cap” sa RT-PCR o COVID-19 swab test.
Ayon kay Department of Health undersecretary at Spokesperson Ma. Rosario Vergeire, hinihintay pa rin ng kagawaran ang pormal na pag-iisyu ng EO lalo pa’t ipinadala na sa Office of the President ang kanilang rekomendasyon.
Dagdag pa nito, nagsumite na rin ang kanilang ahensya ng “range” o presyuhan ng mga swab test na magiging basehan sakaling maglabas ng EO.
Umaasa na lamang ang ahensiya na makakapaglabas ng desisyon ang Pangulo ukol sa price cap sa swab test, lalo’t iba-iba pa rin ang presyo nito.
Napag-alaman na ang kasalukuyang presyo ng COVID-19 swab test ngayon ay nasa P3,000 hanggang P12,000, depende sa pasilidad. (report by Bombo Jane Buna)