Inihayag ni Solicitor General Menardo Guevarra na sapat na ang executive order para ipatupad ang pagbabawal sa operasyon ng lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ayon kay Guevarra, ang pagbabawal ay isang usapin ng government policy , at dahil dito, ang desisyon ng Pangulo na ipagbawal ang operasyon ng mga POGO ay nasa kanyang awtoridad.
Sa ilalim ng batas, ang lahat ng gaming operations ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation, na direktang nag-uulat sa Tanggapan ng Pangulo.
Nangako naman ang mga mambabatas mula sa Senate and the House of Representatives na ipagpatuloy ang isinasagawang pagdinig ng komite sa mga sakit sa lipunan na dulot ng mga POGO, lalo na ang mga pinamamahalaan ng mga sindikatong Tsino, at unahin ang pag-apruba ng mga hakbang na nagbabawal sa mga naturang kumpanya na magnegosyo sa bansa.
Kung maaalala, sa ikatlong State of the Nation Address nitong Lunes, iniutos ni Pangulong Marcos Jr. ang pagsasara ng lahat ng POGO sa katapusan ng taong ito at inihayag ang kabuuang pagbabawal sa lahat ng operasyon sa offshore na pagsusugal sa gitna ng panawagan ng publiko na isara ang industriya.
Sinabi ng Philippine Amusement Gaming Corporation na kakanselahin nito ang mga lisensyang ibinigay nito sa 43 Internet Gaming Licensees (IGLs) bilang pagsunod sa utos ng Pangulo.