BUTUAN CITY – Kokopyahin ng Dinagat Islands province ang executive plan ng Tacloban City na siyang ginamit sa kanilang pagbangon matapos hagupitin ng bagyong Yolanda noong 2013.
Kanina, binisita ng mga opisyales ng Dinagat Islands province si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, iilang araw matapos salantain ng bagyong Odette upang personal na alamin kung paano bumangon ang lungsod matapos ang hagupit ng bagyong Yolanda.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Dinagat Islands Vice Governor Nilo Demerey Jr., na gaya ng kanilang lalawigan na siento-porsientong sinalanta ng bagyong Odette, matinding danyos din ang iniwan ng bagyong Yolanda sa Region 8 lalo na sa Tacloban City at kailangan nilang malaman ang mga paraang ginawa upang kanilang makopya ang mabilis na pagbangon ng rehiyon at ng lungsod.
Dagdag pa ng besi-gobernador, tinuruan na sila ni Tacloban City Planning officer Janice Canta sa paggawa ng executive plan na syang gagawin nilang centerpiece para sa layunin nilang kaagad na makakabangon.
Kahit marami na umano silang natanggap na mga ayuda ngunit mas kailangan nila kung paagi muling makakatayo sa tulong na rin ng iba’t ibang sektor kung kaya’t ang nakuha nilang mga legislative measures ay syang kanilang gagamitin at ipapagamit din sa karatig na lalawigan ng Surigao del Norte at Surigao City na kasama din sa grabeng sinalanta ni Odette.
Kasama din sa kanilang inalam kung ano ang paraang ginamit ng lalawigan ng Southern Leyte para muling mapabangon ang kanilang turismo matapos sirain ni Yolanda pati na ang kanilang mga negosyo.
Pupuntahan din ng grupo ang Philippine Coconut Authority o PCA upang alamin din ang pagbangon ng industriya ng niyog na hidi rin pinatawad ni Odette.