-- Advertisements --

Inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyon ng iba pang ahensiya ng gobyerno na humihiling sa poll body na i-exempt ang kanilang mga proyekto at mga programa mula sa public spending ban sa loob ng 45 araw sa panahon ng halalan.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, inaprubahan ng poll body ang exemption mula sa election public spending ban ang Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Rice Research Institute (PhilRice) at Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor).

Ilan sa mga program ng DOLE na pinayagan ng Comeelc ay ang implementasyon ng government internship program, job start program, special program for employment of students, at iba pang DOLE-integrated livelihood programs.

Pinahintulutan din ng poll body ang programa ng DOLE na Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers, COVID-19 Adjustment Measures Program at Abot Kamay ang Pagtulong.

Sa limang pahinang resolusyon, sinabi ng Comelec na kanilang pinayagan din ang petisyon ng PhilRice para sa pamamahagi ng high-quality inbred rice seeds at information material sa buong bansa, paglikha ng rice technology demonstration traits at kahalintulad na aktibidad at pagsasagawa ng farmers’ field days at field walks.

Ito ay upang hindi maantala ang suplay ng bigas sa bansa at gayundin para maprotektahan ang national food security.

Sa hiwalay na apat na pahinang resolusyon, pinayagan din ng poll body ang petsiyon ng Pagcor para sa exemption ng social services mula sa election public spending ban partikular na ang pamamahagi ng food items na nagkakahalaga ng P12,565,800 at non food items nagkakahalaga ng P26,607,300 na kanilang binili bago ipatupad ang election ban.