ROXAS CITY – Nakahanda na ang “exit strategy” ng bansang Belgium sa kabila na patuloy ang pagtaas ng kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Joy Amper may tatlong phases na ipapatupad sa bansa kasunod ng exit strategy sa darating na araw ng Lunes.
Ayon kay Amper, sa phase 1 ay mandatory ang pagsuot ng face mask kasabay ng pagbukas ng mga establisimento ngunit limitado lamang ang makakapasok katulad ng mga empleyado at mga kustomer.
Sa phase 2 at 3, magiging operational na ang mga restaurants, bars, café ngunit limitado pa rin ang makakapasok.
Mahigpit ding ipinatutupad ang social distancing para maiwasan ang covid.
Posible rin aniyang babalik na sa mga paaralan ang mga estudyante ngunit lilimitahan sa 10 mag-aaral ang makakapasok sa eskuwelahan.
Maliban dito, hindi rin nagkulang ang gobyerno sa pagpapaalala sa mga residente sa Belgium na sundin lamang ang quarantine protocols para hindi kumalat ang COVID-19.